Naalaala ko noong ako’y bata pa ang isang kasabihan na sinulat ng ating dakilang bayani si Gat Jose Rizal: “Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda”.
Maraming taon na ang lumipas at sa kasalukuyang panahon, marami na rin ang nagbago. Kung sa bagay, marami na rin ang nadagdag na mga bagong salita sa ating Wikang Pambansa na kung tawagin ay “Filipino.”
Alinsunod sa ating 1987 Konstitusyon, ang buwan o ang Linggo ng Wika ay ginugunita sa buwan ng Agosto. Mahalaga itong okasyon na ito para ipamalas sa buong mundo ang ating tungkulin bilang mga Pilipino na mahalin natin ang sinilangan bayan at ang ating Pambansang Wika.
Sa taong 2015, ang napiling tema ng ating bansa para sa Buwan ng Wika ay “Wika ng Pagkakaisa” o “Language of Unity”. Ang Kagawaran ng Edukasyon ay ang naglalabas ng Memorandum para magsilbing gabay ng obserbasyon ng Buwan ng Wika.
“Layunin ng pagdiriwang ngayong taon ang mga sumusunod:
1. Ganap na maipatupad ang Pampanguluhang Proklamasyon 1041
2. Magamit ang wika sa pamamagitan ng pagsasalin bilang instrumento sa wika ng kapayapaan
3. Maipakita ang kahalagahan ng wika na higit na nauunawaan ng nakararami para sa pambansang pagkakaisa”
Gaya ng mga nagdaang taon, ang SSJBC ay muling ipinagdiwang ang Linggo o Buwan ng Wikang Pambansa at hindi naman ito naiiba sa mga pagdiriwang ng mga ibang paaralan dito sa bansa gaya ng pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad ukol rito.
Sa SSJBC, hindi lang ang mga guro at bata sa paaralan ang nakilahok sa pagdiriwang na ito pati na rin ang kanilang mga magulang.
May ibang bata na nagbigay ng tula, may mga nag balagtasan , meron nagpakita ng maiksing dula o drama, may mga sumayaw at meron din nag kuwento tulad ng mga kuwento ni Lola Basyang!
Nakakatuwa ang mga bata at lahat sila ay dumating sa kanilang mga magagandang kasuotan na “cultural dress”. Masaya ang lahat pati na ang madlang manonood sa ipinamalas na talento ng mga bata.
Sana, umaasa ako na kahit saan man tayo mapadpad sa mundo, pahalagahan natin ang wikang kinagishan upang di tayo matawag na malansa at mabahong isda, sa halip at sa ganitong paraan maipamalas natin ang damdaming makabayan, pagkakaisa at pagmamahalan natin lahat.
Mabuhay ang Wikang Filipino!!